Suportado ng ilang mambabatas ang planong digitalization ng pay outs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Noong nakaraang taon pa iminungkahi ni Deputy Minority Leader Bernadette Herrera sa ahensya ang paggamit sa mga digital payment channel upang mapabilis ang proseso ng pagbibigay ng ayuda.
Magandang halimbawa umano ng pagiging epektibo nito ay ang TUPAD at CAMP program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Tugon naman ni DSWD Secretary Erwin Tulfo, marami na silang payment services companies na nakausap at ang iba rito ay nagboluntaryo pa na makipag-partner sa kanila.
Ngunit nalilimitahan aniya sila ng polisiya ng Government Procurement Policy Board.
Kahit kasi aniya libre o walang ilalabas na pera ang ahensya, kailangan pa ring sumailalim sa bidding ang pagkuha sa magiging payment partner nila.
Dahil dito nagpahayag si Herrera na dapat nang repasuhin at amyendahan ang Procurement Law upang pahintulutan ang paggamit ng e-payments sa disbursement ng cash aid.
Kasabay naman nito ay pinatitiyak ni Malasakit at Bayanihan Party-list Representative Anthony Rolando Golez Jr. sa DSWD na ikonsidera ang mga hindi sanay gumamit ng digital payouts at ang unbanked sector sa planong digitalization ng payout.
Batay sa datos ng BSP, halos kalahati ng populasyon ng bansa ang wala pang account sa bangko.