-- Advertisements --

Inamin ng pamunuan ng Department of Communication and Technology (DICT) sa mga mambabatas na nagkaroon ng lapses implementasyon sa ilang mga programa ng gobyerno, partikular dito ang Libreng Wi-Fi Program ng pamahalaan.

Inihayag ito ni DICT Secretary Ivan John Uy, habang dinepensahan ng DICT ang budget nito sa Kamara.

Ang budget ng ahensiya para sa fiscal year 2023 ay nasa PhP 7.2 billion.

Ayon kay Secretary Uy nahirapan ang departamento na ipatupad ang ilan sa mga programa ng pamahalaan, dahilan na nagkaroon ng problema.

Sa naging interpelasyon ni House Minority Deputy Leader at Northern Samar Representative Paul Daza, binanggit nito ang ilan sa mga nakaraang kakulangan ng Departamento ngunit hindi nang walang paglalagay ng disclaimer.

Sinabi ng mambabatas na naiintindihan nila ang DICT dahil marami itong magagandang programa at proyekto, ngunit giit nito na payagan siya bilang bahagi ng kaniyang tungkulin bilang fiscalizer, at bilang katuwang sa pagbuo ng bansa, dapat tutukan ang ilan sa mga isyu at problema na hinarap ng DICT na talagang dapat suportahan ng sa gayon lalo pa pagbutihin ng ahensiya ang kanilang mga proyekto at programa.

Ipinunto ni Rep. Daza ang fiscal performance ng departamento noong nakaraang taon. Binanggit nito kung paano nagamit lamang ng DICT ang humigit-kumulang 25% mula sa kanilang previous appropriations.

Tugon naman ni DICT Secretary Ivan John Uy na nung pumasok siya sa ahensiya dalawang buwan na ang nakalilipas at nung tinitingnan niya ang utilization ng departamento ay nasabi niyang nakaka-awa.

Dagdag pa ni Uy na ang mga nakaraang proyektong ipinatupad ay hindi umaayon kumpara sa budget na inilaan sa departamento.

Siniguro naman ng Kalihim sa mga mambabatas at sa mga kapwa manggagawa na hindi na mangyayari ang nasabing problema sa ilalim ng kaniyang liderato.

Ibinunyag din ni Uy na, noong buwan ng Agosto, target ng DICT na maabot ang 70% hanggang 80% utilization ng kanilang budget sa pamamagitan ng iba’t ibang programa.

Aniya, sa unang walong buwan, makikita ang paggamit ng badyet na dalawampung porsyento, subalit sa susunod na tatlong buwan makikita ang utilization na nasa humigit-kumulang 50%.

Ayon sa Kalihim ang DICT ay may napakalaking mandato, at utang nila sa mga tao ang paghahatid ng lahat ng mga serbisyong ito at naging mapagbigay ang Kongreso sa pagbibigay ng kinakailangang pondo na kailangan ipatupad ng DICT.

Tanong naman ni Daza kung ano ang specific programs ng DICT na maituturing na slow moving at ang sagot ng kalihim ay ang Free Wi-Fi for All – Free Public Internet Access Program na hindi na operational sa ngayon at hindi man lamang ito na renew.

Sinabi pa ni Daza na ang target ng Free Public Wi-fi program mula noong 2016 ay magbigay ng 105,000 libreng pampublikong wi-fi spot, at ang Kongreso ay naglaan ng humigit-kumulang P12 bilyon para sa nasabing proyekto.

Batay sa istatistika na ipinakita ni Daza, 10% lamang ng mga site na ito ang naitatag at 4% lamang ang gumagana hanggang sa kasalukuyan.

Nangako naman si Uy na ire-renew at i-reactivate ng kanyang departamento ang mga “patay” na free wi-fi service areas sa loob ng tatlong buwan.

Iminungkahi din ng kalihim na lumikha ng isang streamlined system upang mapagaan ang pasanin ng pag-renew ng mga subscription sa mga libreng wi-fi service provider.