Mistulang ‘ironic’ umano kung kumpirmado na si Senator Imee Marcos nga ang nasa likod ng pagtatangka na magsingit ng probisyon sa 2021 national budget na magtatanggal sa safeguards para sa automated election system.

Lumabas kasi ang mga impormasyon na nagsasabing sinubukan ni Marcos na maglagay ng probisyon sa 2021 budget bill ng Senado na magbibigay pahintulot sa Commission on Elections (Comelec) na isantabi ang election procurement safeguards.

Nagbabala naman si Barry Gutierrez, tagapagsalita ng Office of the Vice President, na posibleng maging daan ang probisyon na ito para sa malawakang dayaan sa halalan at magdulot na rin ng duda sa electoral system ng bansa.

Ayon dito nakakapagtaka raw kung si Marcos mismo ang nanguna rito dahil siya ang chairperson ng electoral reforms committee sa Senado.

Bukod dito, alam naman daw ng lahat ang kasaysayan na isa sa pinakamalaking halimbawa ng dayaan ang nangyari sa kanilang yumaong ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Una nang ipinag-utos ni Senate Presidente Vicente Sotto III na tanggalin ang naturang probisyon.

Hinikayat naman ni Gutierrez si Marcos na linisin ang kaniyang pangalan at patunayan na hindi siya kasali sa nasabing isyu.

Dapat aniya ay sagutin ng mambabatas ng diretso kung ito ang nagtutulak sa probisyon dahil parang siya na rin daw mismo ang nagutlak ng dayaan.

Bwelta pa ni Gutierrez, parang pinangungunahan pa mismo ng senador ang pagbubukas ng pinto para sa korapsyon at dayaan sa darating na eleksyon.