-- Advertisements --

Pinaiimbestigahan sa Kamara ng isang kongresista ang umano’y kabiguan ng ilang app-based food delivery services na ibigay ang 20 percent discount sa mga senio citizens.

Sa paghahain niya ng House Resolution No. 1626, sinabi ni Deputy Speaker Bernadette Herrera na tumataas ang bilang ng mga reklamo mula sa mga senior citizens na hindi makapag-avail ng 20-percent discount na itinatakda ng batas para sa mga food deliveries gamit ang mga applications tulad ng Food Panda at Grab, at iba pa.

Ang pera na katumbas ng 20 percent discount ay maari pa sanang magamit ng mga senior citizens sa pagbili nila ng kanilang mga gamot at iba pang maintenance expenses at iba pang pangangailangan.

Sa ilalim ng Republic Act No. 9944 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, entitled sa 20-percent discount at exempted ding sa value-added tax ang 60-anyos pataas na Pilipino.

Binigyan diin ng kongresista na malinaw na nakasaad sa Section 3(g) ng batas na maging sa delivery orders ay acceptable ang 20 percent discount sa mga nakatatanda basta maibigay ng mga ito ang kanilang senior citizen ID card number kapag o-order.