-- Advertisements --

Inakusahan ni House Deputy Minority leader at Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate ang economic managers ng Duterte administration na hinarang ang panukalang batas na magsususpinde sana sa excise tax ng produktong petrolyo sa loob ng anim na buwan.

Ayon kay Zarate, hinayaan lamang ni Pangulong Duterte na mangyari ito kaya masasabi raw niya na wala talagang pakialam ang kasalukuyang administrasyon sa hirap na dinadanas ng mga mamamayan.

Marami aniya siyang inihaing mga panukalang batas para sana makontrol at maibaba ang presyo ng langis bago pa man ang Duterte administratio pero ang interes pa rin aniya ng mga oil oligarchs ang nasusunod.

Iginiit ni Zarate na dapat nang mahinto ang patuloy na pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo, na kahapon lang, sa ika-anim na magkasunod na linggo, ay tumaas ang kada litro ng gasolina ng P1.05 at P1.20 naman sa diesel, habang P1.25 naman sa kerosene.

Sa kuwenta ng kongresista, mula nang magsimula ang kasalukuyang taon, ang cumulative net increase para sa diesel ay pumalo na sa P9.15 kada litro, P6.75 sa gasolina, at P8.45 sa kerosene.


Bukod pa ito sa mahigit P10 na itinaas ng presyuhan noong nakaraang taon.