-- Advertisements --

VIGAN CITY – Inamin ng Department of Energy (DOE) na hindi pa sila nakakapagsagawa ng total damage assessment sa mga lugar na apektado ng phreatic eruption ng Taal volcano.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Dir. Mario Marasigan ng DOE-Electric Power Industry Management Bureau, sinabi nito na hindi pa sila pinapayagan ng mga otoridad na magkaroon ng aerial assessment upang malaman sana kung gaano kalawak ang pinsala ng pag-aalburuto ng bulkang Taal sa energy sector.

Dahil dito, nananatili munang walang suplay ng kuryente ang mga lugar na labis na naapektuhan lalo na ang mga lugar kung saan isinagawa ang forced evacuation.

Ipinaliwanag nito na kahit gusto nilang maibalik ang pwoer supply, kailangan ding isipin nila ang kaligtasan ng mga kasamahan na nasa ground.

Sa ngayon, nililinis muna ng mga electric cooperatives ang mga poste nilang kinapitan ng abo galing sa bulkan para maiwasan ang anumang aksidente.

Maaari daw kasing daluyan ng kuryente ang mga abong nakakapit sa mga poste.