Nanindigan ang pamilya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na hindi nila babayaran ang P11.3 milyong danyos sa pamilya ng mga nabiktima ng alkalde.
Sa pagharap nila sa pagdinig ng Senado ukol sa implementasyon ng Good Conduct Time Allowances (GCTA) Lae, iginiit ng asawa ni Sanchez na si Elvira na inosente ang kanyang mister sa krimen.
“Lagi po namin sinasabi… bakit naman po kami magbabayad wala naman pong kasalanan ang aking asawa?” sagot ni Elvira sa tanong ni Sen. Franklin Drilon kung babayaran ba nila ang mga pamilya ng mga napaslang na sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez.
Pero tugon ni Drilon, naglabas na ng desisyon ang Korte Suprema na patunay na may kasalanan ang dating alkalde.
“Kasama sa hatol yung P12 milyon na sinabi ng Korte Suprema na dapat bayaran ng inyong asawa. Wala kayong intensyong bayaran ito?” ani Drilon.
Sambit naman ni Elvira, wala raw talaga silang intensyon na magbayad.
“Kasi po nagsasabi po ako ng totoo. Yung sinasabi po nilang araw, petsa na sinabing ni-rape si Eileen at pinatay si Allan, nasa amin po ang asawa ko,” dagdag nito.
Noong 1995 nang hatulang guilty ni dating Pasig Regional Trial Court Judge Harriet Demetriou sina Sanchez at anim sa kanyang mga tauhan dahil sa pagpatay kina Sarmenta at Gomez.
Pinatawan ang mga suspek ng pitong reclusion perpetua, at inatasang magbayad ng P11.3 milyong danyos sa mga pamilya ng dalawang estudyante.