Pumapalo sa 6.5 milyong Pilipino ang nakahaon mula sa hirap matapos bumagsak sa record-low na 9.7% ang antas ng kahirapan sa bansa noong 2025, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ito naman ang unang pagkakataon na bumaba sa single digits ang antas ng kahirapan, na itinuturing na isang malaking milestone dahil nakamit ito ng mas maaga o tatlong taon bago ang target na 2028 sa ilalim ng Philippine Developmenr Plant (PDP) ng pamahalaan.
Base datos mula sa PSA, nasa 11 milyong Pilipino ang namumuhay nang mababa sa poverty threshold noong nakalipas na taon, mababa mula sa 17.5 milyon noong 2023.
Ang pagbaba ng antas ng kahirapan ay kasunod ng pagtaas ng nominal na kita sa 22% sa pagitan ng 2023 at 2025, mataas mula sa naitalang inflation rate na 5% sa parehong panahon.
Sa isang statement, sinabi ni Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan na sa unang pagkakataon mas mababa sa isa mula sa sampung Pilipino ang naumumuhay ng mababa sa poverty line.
Nagpapakita rin aniya ang pagkakaabot ng mababang antas ng kahirapan bago pa man ang target ng pagpapalawak pa ng economic opportunities, kaakibat ang epektibong social protection na makapagbibigay ng makabuluhang pagbabago sa buhay ng mamamayang Pilipino.
















