Binigyan diin ni Philippine Military Academy (PMA) Superintendent Brigadier General Romeo Brawner Jr. na hindi na kailangan ngayon ang hazing sa pag-develop ng karakter ng isang kadete.
Iginiit ni Brawner na napakaraming pamamaraan para rito maliban sa hazing, na kanyang mariing tinututulan kasunod nang pagkamatay ni Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio.
Sinabi ng opisyal na walang lugar sa top military school ng bansa ang anumang uri ng hazing o pagmamaltrato kaya nga raw siya ng deklara ng giyera kontra rito kasunod nang kanyang pagkaka-upo sa puwesto.
“Kailangan kasi na malakas ‘yung ating kampanya laban sa hazing na ito because this has been going on. Parang naging kultura na ito,” ani Brawner.
Sinabi nito na hindi siya nakaranas ng hazing noong nasa Philippine Military Academy pa siya.
“Sa case ko, ‘yung squad leader ko, baka kilala niyo si General Ramiro Rey, siya ngayon ang commander ng Northern Luzon Command, ni minsan hindi ako hinaze ni Gen. Rey,” saad ni Brawner.
“Bagkus ang ginawa niya, pina-exercise na lang niya kami kung meron kaming offense,” dagdag pa nito.
Gayunman, sinabi ni Brawner na natural lamang sa isang kadete na magkamali, pero hindi aniya dapat bayolente ang parusa sa mga ito.
















