-- Advertisements --

Kinuwestiyon ng ilang kongresista ang discrepancies sa bilang ng mga manggagawang nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa listahan ng tatlong ahensya ng pamahalaan.

Sa imbestigasyon ng House Committee on Games and Amusements, tinanong ng presiding officer na si Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), the Bureau of Immigration and Deportation (BID), at Department of Labor and Employment (DOLE) kung ilang empleyado ang nagtatrabaho sa ngayon sa mga POGO batay sa kanikanilang records.

Ayon sa BID, mayroong 39,831 POGO workers na nabigyan ng working visas hanggang noong Oktubre 31, habang 4,967 iba pa ang nabigyan naman ng provisional work permits at maari lamang magtrabaho sa bansa ng hanggang anim na buwan.

Batay sa data ng BID, 44,768 na ang kabuuang bilang ng mga POGO workers sa bansa.

Pero ayon sa DOLE, hanggang sa second quarter ng taong kasalukuyan, aabot na sa 86,537 ang nabigyan nila ng alien employment permits na POGO workers.

Sa naturang bilang, 83 percent o 71,532 permits ang naibigay sa mga foreign nationals habang ang nalalabi naman ay naibigay sa mga Pilipinong empleyado.

Para naman sa datos ng PAGCOR, 92,897 foreign POGO workers ang kasalukuyang nasa bansa.

Pinuna ni Barzaga ang pagkakaiba na ito sa datos ng naturang mga ahensya ng pamahalaan.

“I would just request these three government agencies to justify their figures and to show what went wrong. Because, theoretically, you must have the same numbers,” ani Barzaga.

Sinabi ng BID na posible na ang DOLE ay mas mataas na numero ng foreign workers dahil ito ang siyang nagbibigay ng alien employment permits bilang requirement sa work visas.

Pero sinabihan ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang naturang mga ahensya ng pamahalaan na linawin kung anong partikular na opisina ang may primary function sa pag-regulate sa pagpasok ng mga POGO workers sa bansa.