Nagbabala si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ukol sa mga opisyal ng PhilHealth na mahilig gumamit ng right to privacy at umiiwas sa pagsagot sa mga tanong ng mga senador.
Kaugnay ito ng ipagpapatuloy na imbestigasyon ng Senate committee of the whole bukas ukol sa mga anomalyang bumabalot sa naturang government corporation.
Ayon sa pinuno ng Senado, obligasyon ang mga opisyal ng PhilHealth na sumagot sa mga tanong at maglahad ng katotohanan, maging sa kalagayan ng kanilang kalusugan.
Kinontra din ni Sotto ang pahayag ni PhilHealth President at CEO Ricardo Morales na dapat igalang ang kanyang privacy, makaraang lumabas sa publiko ang kaniyang medical certificate na nagsasabing mayroong siyang cancer at sumasailalim sa chemotheraphy.
Para sa senador, ang isang public official na humahawak ng mataas na posisyon sa pamahalaan ay may pananagutan sa taong bayan para maglahad ng mahahalagang impormasyon ukol sa kaniyang tanggapan at maging sa kaniyang sariling kalagayan.
Muli ring binigyang diin ni Sotto na magpapatuloy ang imbestigasyon kahit hindi makadalo ang ilang opisyal, dahil mas kawalan pa raw ng mga hindi sisipot ang pagliban, dahil mawawalan ang mga ito ng tyansang makapagpaliwanag ng kanilang panig.










