-- Advertisements --

Nangako si Krizle Grace Mago na makikipag-cooperate na ito sa mga pagdinig ng Senado at Kamara, makaraan ang hindi pagsipot sa pagpapatawag sa kaniya nitong mga nakalipas na araw.

Sa isang maikling mensahe na inilabas ng Pharmally communications office, sinabi ni Mago na hindi ito nawawala o nagtatago.

“i will do my best to continue to cooperate for the duration of this investigation,” saad ng liham na pirmado ni Mago.

Una rito, isang araw matapos ang pag-amin ni Krizle sa Senate blue ribbon committee na tina-tamper nga nila ang expiration date ng ilang produkto, hindi na ito matawagan ng Senado.

Kaya naman, nagpasaklolo pa sila sa National Bureau of Investigation (NBI) para malaman kung nasaan ang naturang opisyal ng Pharmally at kung sino ang nangangalaga sa kaniya.

Dahil sa nasabing liham, tiwala ang ilang senador na haharap na si Mago sa susunod na hearing na nakatakda bukas.

Ayon kay Sen. Richard Gordon, kung hindi pa rin makikipagtulungan ang nasabing personalidad, padadalhan nila ito ng subpoena at maaaring maharap pa sa mas mabigat na problema.