Hindi kabawasan ang hindi pagtatapos ng isang indibidwal sa isang prestiheyosong paaralan kundi ang pagsisinungaling sa taumbayan hinggil sa mga narating nito tungkol sa pag-aaral ang siyang maituturing na tunay na problema.
Sinabi ito ni Office of the Vice President spokesman Attorney Barry Gutierrez matapos na sabihin ni Sen. Imee Marcos kamakailan na “extraordinary housewife” si Vice President Leni Robredo.
Ayon kay Gutierrez, hindi bumababa ang estado ng buhay ng isang tao kapag hindi ito nakapagtapos sa pag-aaral kundi ang pamemeke aniya ng degree mula sa kanilang paaralan ang siyang issue dapat.
Kamakailan lang, naglabas ng statement ang Oxford University na hindi nagtapos ng anumang degree si dating Senator Bongbong Marcos, kapatid ni Imee at anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
“Tama, hindi kabawasan ‘yun pero huwag ka naman magsinungaling. Ang punto ay ‘yung nag-iimbento ka pa e. Nagsisinungaling ka pa e. Ibig sabihin, para sa kanya issue ang dapat graduate ako,” ani Gutierrez.
“Para mapabilib mo ang tao, gawin mo ‘yung totoong trabaho. Gawin mo ang actual na kailangang gawin para ito ay talagang puwede mong i-claim na sa ‘yo,” dagdag pa nito.
Nabatid na si Robredo ay nagtapos sa University of the Philippines School of Economics at law degree mula naman sa university of Nueva Caceres.