-- Advertisements --

Nanindigan ang ilang senador na kailangang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga estudyante kahit panahon ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, dapat ituring na “essential activity” ang pagpapatuloy ng klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Hindi aniya dapat mahinto ang pagpapalago ng kaalaman ng mga bata, habang inilalayo sila sa panganib ng coronavirus.

“Let us find the mix that will allow the 30 million children of this country to continue with their education without putting them in harm’s way,” wika ni Recto.

Sa panig ni Senate committee on basic education chairman Sen. Sherwin “Win” Gatchalian, maituturing na malaking dagok sa sektor ng edukasyon kung mananatiling nakahinto ang pag-aaral ng mga estudyanter, habang naghihintay sa matutuklasang gamot laban sa COVID-19.

Ayon naman kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, hindi siya kumbinsido sa isinusulong na virtual classes para sa lahat ng mga estudyante.

Naniniwala si Drilon na dehado rito ang mahihirap, lalo’t marami pa rin ang walang computer at ang iba ay wala pang supply ng koryente na magagamit sa kanilang mga bahay.

Para naman kay Sen. Francis Tolentino, mainam na lumikha ng online learning at distance education office ang Commission on Higher Education (CHED), para matugunan ang concern ng mga mag-aaral.

“Ang problema po kasi natin ngayon eh kanya kanya ang mga educational institutions sa implementation ng online learning. With the creation of a national framework, CHED will prescribe the minimum requirements for the curriculum and will also oversee the ‘quality control.” wika ni Tolentino.

Habang sa pananaw ni Sen. Risa Hontiveros, kailangang manaig ang kapakanan at kaligtasan ng mga bata.

“Safety first para sa mga bata. Bilang Mama, I can’t imagine risking the life and health of our children. We have to postpone the opening of classes as we think of alternative infrastructures for home-based learning. Sa ngayon, sa tingin ko ay hindi pa handa ang DepEd dito,” pahayag ni Hontiveros.

Pero dapat aniyang maghanda at lumikha ng mga alternatibong paraan para hindi maputol ang pagpapalago ng kaalaman ng mga mag-aaral.

“We should use this time to prepare and innovate on alternative modes of learning,” dagdag pa ng senadora.