Ipinag-utos ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar ang agarang pagpapalabas ng cash assistance sa mga pamilyang nawalan ng tirahan sa pananalasa ng bagyong “Egay” noong nakaraang linggo.
Sinabi ni Acuzar na inutusan na niya ang dalawa sa kanyang undersecretaries na personal na pangasiwaan ang pag-download ng mga pondo sa kanilang mga regional office, partikular sa Northern Luzon, na lubhang nasalanta ng sama ng panahon.
Sinabi niya na ang Department of Human Settlements and Urban Development Central Office sa Quezon City ay nagbibigay ng P23 milyon para sa emergency assistance sa mga residente na ang mga bahay ay lubos na napinsala.
Sa pinakahuling ulat, may kabuuang 1,954 residential structures ang napinsala ng bagyo, karamihan ay mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region.
Inatasan din ni Acuzar ang kanilang attached agencies, partikular ang National Housing Authority (NHA) at ang Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund na magsimulang magbigay ng tulong.
Nauna nang naglaan ang National Housing Authority (NHA) ng P50 milyon mula sa emergency housing assistance program nito habang ang Pag-IBIG Fund ay nagsimula nang mag-alok ng calamity loan na may mas mababang interest rate kada taon sa mga biktima ng bagyong “Egay”.