Inihayag ng Department of Foreign Affairs na wala pa silang natatanggap na anumang repatriation requests mula sa mga Pilipinong nasa Israel ngayon.
Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na karahasan sa ilang bahagi ng nasabing bansa nang dahil sa mga pag-atake ng militanteng grupong Hamas doon.
Paliwanag ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo de Vega, posibleng ang kasanayan ng mga Pinoy sa nasabing lugar pagdating sa ganitong uri ng mga pangyayari ay ang dahilan kung bakit hanggang sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na repatriation request.
Ngunit gayunpaman ay iginiit naman ni De Vega na handa ang ahensya na agad na magpaabot ng tulong at umalalay sa mga Pilipinong nasa Israel na nagnanais na makabalik nang muli sa ating bansa.
Samantala, sa ngayon ay bineberipika na rin aniya ng kanilang tanggapan ang mga ulat na may isang Filipino caregiver na dinukot ng mga grupong Hamas.