-- Advertisements --
image 54

Umapela ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa counterpart nito sa Israel at Egypt para tiyakin ang ligtas na paglabas ng mga Pilipino mula sa Gaza sa lalong madaling panahon.

Ayon kay DFA spokesperson Teresita Daza, agad na nakipag-ugnayan si Secretary Enrique Manalo kina Israeli Foreign Minister Eli Cohen at Egyptian Foreign Minister Sameh Shoukry kasunod ng advisory na ang ilang indibidwal ay maaaring payagan na sa wakas na lumabas sa Gaza sa pamamagitan ng pagtawid sa Rafah border.

Pinaprayoridad din aniya ng ahensiya ang kaligtasan at proteksiyon ng mga Pilipino sa Middle East at inaasikaso na ang pagkuha ng permiso mula sa kaukulang awtoridad para sa pagtawid ng mga Pilipino sa naturang border.

Habang inaantay ito, nakikipagtulungan na ang DFA, relevant units sa headquarters sa Maynila gayundin ang mga Ambassador sa Israel, Egypt at Jordan sa mga awtoridad sa israel at Egypt para gumawa ng mga hakbang sakaling payagan na ang paglikas ng mga Pilipino mula sa Gaza.

Ibinahagi din ng opisyal na nananatiling nakasara ang Gaza kung saan limitado ang galaw ng mga tao at goods.

Una ng sumulat ang DFA chief kay Israeli at Egypt Foreign Minister noong November 1 kasunod ng inilabas na advisory na limitadong bilang ng mga evacuee ang papahintulutang makalabas ng Gaza sa pamamagitan ng Rafah border crossing para muling hilingin sa kanilang mga gobyerno na mag-isyu ng kailangang permits para sa ligtas na daraanan ng mga Pilipino.

Samantala, nananatiling committed naman ang DFA sa pagsiguro ng proteksiyon ng mga Pilipinong naiipit sa giyera sa Israel.