Nanawagan ang Department of Foreign Affairs sa mga Overseas Filipino Workers na maging aktibo sa mga komunidad nila sa ibang bansa. Hinimok ng ahensya ang mga ito na mag-boluntaryo tuwing may krisis at kalamidad bilang pasasalamat na rin umano sa bansang tumanggap sa kanila.
Tinawag ito ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega na diaspora volunteerism dahil malaki umano ang presensiya ng mga Pilipino sa iba’t ibang bansa.
Dagdag pa nito, mainam din daw na ang mga Pilipino sa ibang bansa ay hindi lamang nandoon para magtrabaho bagkus ay maging regalo sa bansang kanilang pinagta-trabahuhan at maging instrumento ng kapayapaan sa mundo.
Ayon sa huling ulat ng DFA sa Kongreso, mayroon ng higit 10.8 million na Pilipino ang nangibang-bansa para magtrabaho.
Isa ang Pilipinas sa world’s largest exporters of labor employed lalong-lalo na sa industriya ng manufacturing, construction, at seafaring.