Muling umapela ang Department of Foreign Affairs(DFA) sa mga OFWs na nakabase sa Lebanon na lumikas na pabalik sa Pilipinas habang maaga pa.
Ginawa ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega ang apela, kasunod ng inaasahang pagbawi o pagganti ng Israel laban sa Lebanon kasunod na rin ng pagtulong ng grupong Hezbollah sa Hamas.
Ayon kay Usec De Vega, habang maaga pa ay mas nakabubuting lumikas na ang mga Pinoy workers upang maiwasang maipit sa kaguluhan.
Nakahanda rin aniya ang DFA na sagutin ang pamasahe ng mga Pinoy workers na nakabase sa Lebanon at nais nang umuwi sa Pilipinas.
Maalalang una nang itinaas ng DFA ang alert level 3 sa Lebanon, kasunod ng umano’y pagtulong ng grupong Hezbolla sa kaalyado nitong Hamas.
Una nang pinangangambahan ng pamahalaan ang posibleng pagkaipit ng maraming mga Pilipino sa Southern Lebanon bago pa man ito nangyari.