Upang mahuli ang mga foreign nationals na iligal na nag-aapply ng Philippine passport, naglatag na ng ilang local showbiz questions ang consular offices ng Department of Foreign Affairs.
Ayon kay Foreign Assistant Secretary Adelio Angelito Cruz, gumagamit umano ang mga ito ng pekeng birth certificate at kinakabisado ang mga impormasyon gaya ng pangalan ng mga magulang kaya naman nag-isip daw sila ng kakaibang paraan para malaman kung hindi totoong Pilipino ang gustong kumuha ng Philippine passport.
Ilan sa mga halimbawa ng showbiz questions ay kung sino raw ba ang star for all seasons at sino ang naging boyfriend ni Nora Aunor. Ito raw ay mga trivia questions na tanging Pilipino lamang ang nakakaalam.
Nagkaroon din daw ng mga pagkakataon na ang mga impostor na hindi nakapagsasalita ng wikang Filipino ay nagpapanggap na pipi upang ang kanilang kasama ang sumagot ng mga katanungan.
Nang maupo si Cruz sa pwesto noong November 2023 ay natuklasan umano niya na laganap na ang ganitong gawin bago pa man magkaroon ng pandemya. Aniya, wala pang datos ang kanilang kagawaran kung ilan na ang foreigners na mayroong Philippine passports.
Binibigyang-pansin na umano ng kanilang opisina ang ganitong kalakaran dahil isyu raw ito ng national security kaya nakikipagtulungan na rin sila sa Bureau of Immigration at National Bureau of Investigation.
Sa ilalim ng Republic Act No. 8239 o Philippine Passport Act of 1996, maaaring makulong ng tatlo hanggang sampung taon at multa ng 15,000 pesos hanggang 60,000 pesos ang mapapatunayang nagsinungaling sa passport application.
Dagdag pa ni Cruz, ang mga nahuling foreigners ay blacklisted na sa DFA database at hindi na muling makakapag-apply sa consular office. Pero batid umano ng kagawaran na hindi pa lahat nahuhuli at ang iba ay nasa ilalim pa ng imbestigasyon.