Kumpiyansa ang Department of Foreign Affairs na hindi maapektuhan ang relasyon ng Pilipinas at Thailand dahil sa pagkakasangkot ng Pinoy transgenders sa kaguluhan doon.
Kung maaalala, nasangkot ang ilang Pinoy transgenders at Thailand Transgender sa rambulan sa naturang bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Foreign Affairs na ang naturang insidente ay maituturing na isolated.
Pinasalamatan naman ng Philippine Embassy sa Bangkok ang Royal Thai Police sa mabilis na pagpapalabas ng resolusyon sa kaso ng Pinoy transgenders.
Kinumpirma naman ng Embahada na sila ang nagbayad ng multa sa mga Pinoy na nasangkot sa gulo sa Thailand.
Una nang dumating sa Pilipinas noong Biyernes ang ilang Pinoy transgender na unang naaresto sa nasabing bansa.
Pinasalamatan din ng mga ito ang Philippine Embassy sa Bangkok sa ginawang tulong sa kanila.
Kabilang dito ang pagsasailalim sa kanila sa medical check-up at treatment, legal proceedings, hanggang sa kanilang departure mula Bangkok.
Samantala, naiwan naman sa Thailand ang isa pang Pinay transgender na nagtamo ng injuries sa nangyaring bugbugan.