-- Advertisements --
image 404

Ikinokonsidera ngayon ng Department of Foreign Affairs na opisyal nang ilagay sa Alert Level 3 ang bansang Lebanon.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa epektong dulot ng nagpapatuloy na kaguluhan ngayon sa pagitan ng Israeli Defense Forces at militanteng grupong Hamas.

Ayon kay DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo de Vega, sa gitna ito ng unti-unti na ring pagtindi ng tensyon sa pagitan ng Israel at Lebanon kasunod ng mga pag-atake militanteng grupong Hamas sa southern Israel.

Aniya, sa ngayon ay kinokonsidera na ng kanilang kagawaran ang pagpapatupad ng voluntary repatriation sa lugar at kasalukuyan na lamang nilang hinihintay ang magiging paglagda ni DFA Secretary Enrique Manalo sa kautusan para sa implimentasyon nito.

Samantala, sa ngayon ay mayroon pang 67 mga Pilipino ang kasalukuyang naninirahan sa south Lebanon sa lugar malapit sa border nito sa Israel kung saan naman nanggagaling ang militanteng grupong Hezbollah na kaalyado ng Hamas.

Dahil dito ay hinimok ng Philippine Embassy na nakabase sa Lebanon ang mga Filipino sa southern area ng bansa na lumikas na sa mas ligtas na lugar habang nagpapatuloy ang pagsiklab ng tensyon sa border ng Israel.