-- Advertisements --

Ipinaabot ni Foreign affairs Secretary Enrique Manalo sa China na nais ng gobyerno ng Pilipinas na maresolba ang maritime disputes ng mapayapa subalit hinimok din nito ang China na itigil na ang pangha-harass sa bansa.

Sa sidelines ng ASEAN-Australia summit sa Melbourne, Australia, kinilala ng DFA Secretary ang galit ng China sa polisiya ng pamahalaan na pagsasapubliko ng mga ginagawang maniobra ng kanilang barko sa pinagtatalunang mga karagatan.

Saad pa ni Sec. Manalo na kapag itinigil ng China ang pag-harass sa mga barko ng PH at iba pang mga aksiyon nito sa disputed waters, wala aniyang anumang balita na iuulat hinggil dito.

Ang tensiyon nga sa pagitan ng China at PH ay umigting pa sa nakalipas na buwan kasabay ng pagpapalitan ng akusasyon ng 2 panig kaugnay sa ilang serye ng maritime incidents sa West PH Sea.

Patuloy din ang pag-aangkin ng China sa buong disputed waters kung saan bahagi nito ay ang West PH Sea na nasa exclusive economic zone ng PH.

Subalit, ang mga claim ng China ay pinawalang bisa at sinabing walang legal na basehan batay sa 2016 international arbitration tribunal ruling sa the Hague, Netherlands.