-- Advertisements --
DFA HAMAS

Biniberipika pa ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang napaulat na pagdukot sa Filipino workers ng militanteng grupong Hamas na naglunsad ng malawakang pag-atake na nagresulta sa giyera sa Israel.

Kinumpirma ni Foreign Affairs Spokesperson Ma. Teresita Daza na nakatanggap nga ang Philippine Embassy sa Tel Aviv ng “unconfirmed reports” na may ilang Pilipino na nagtratrabaho malapit sa border ng Israel ang dinukot noong umaga ng Sabado.

Tiniyak naman ng DFA official na lahat ng Filipino agrostudies students sa Israel ay accounted base sa pinakabagong update.

Sa kabila nito, patuloy na nakamonitor ang ahensiya sa sitwasyon sa Israel.

Ayon naman kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo Jose de Vega, mayroong nakalatag na contingency plan o evacuation plans at nagsagawa na rin ng emergency meeting sa embahada para matiyak ang kaligtasan ng humigit kumulang 30,000 Pilipino sa Israel.

Sa kabutihang palad, iniulat ng opisyal na walang Pilipinong napaulat na casualty at nakikipag-ugnayan sa Filipino community sa Israel para malaman ang kanilang kalagayan.

Nagbukas naman ang Department of Migrant Workers ng 24/7 Task Force Israel Desk para sa mga Filipinos sa Israel na maaaring matawagan
(+63 2 1348 or via WhatsApp and Viber +63 9083268344, +63 9271478186, o +63 9205171059).

Top