-- Advertisements --

Nananatiling mataas ang mga naitalang bagong napaulat na gumaling na Pilipino sa COVID-19 sa ibayong dagat kaysa sa bagong kaso sa ikaapat na sunod na araw.

Sa pinakahuling datos mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang Mayo 16, karagdagang 35 overseas Filipino workers (OFWs) ang nakarekober mula sa nakakahawang sakit, dahilan para umakyat na rin sa 824 ang mga nakalabas na sa pagamutan.

Habang nasa 2,360 naman ang mga Pinoy na kumpirmadong nagpositibo sa COVID-19 mula sa 46 na bansa at rehiyon.

Sa naturang bilang, 1,262 ang patuloy na ginagamot sa iba’t ibang mga ospital.

Samantala, nasa 274 naman ang bilang ng Pinoy sa ibang bansa ang binawian ng buhay dahil sa COVID-19.

Sa Europa pa rin naitala ang pinakamaraming naitalang confirmed COVID-19 positive na OFW na may 690 na kaso.

Sumegunda ang Middle East/Africa na may 685 confirmed COVID-19 positive cases na Pinoy; 540 naman ang kaso sa Americas, at 445 sa Asia Pacific Region.