laoang northern samar

TACLOBAN CITY – Patuloy na pinaghahanap ngayon ng mga otoridad ang isang detainee mula sa Laoang, Northern Samar Sub Provincial Jail na nakatakas.

Kinilala ang naturang pugante na si Antonio Gomba, 32, residente ng Gamay, Northern Samar.

Ayon kay Prison Guard 2 Ernesto Dulay, OIC Sub-Jail Warden ng Laoang Sub Provincial Jail, nakatakas ang preso habang abala ang mga jail guards sa pagbibigay ng pagkain sa mga inmates.

Nagkunwari lamang itong naiihi at pumunta sa CR pero nang mapansin na walang bantay ay bigla itong tumalon sa pader na may taas na pitong talampakan.

Napag-alaman na nakulong si Gomba dahil sa kasong murder noong nakaraang Pebrero ngayong taon.

Sumasailalim na sa imbestigasyon ang aabot sa 11 mga jail guards na nakabantay nang manyari ang naturang insidente.