-- Advertisements --

Hawak na ng Executive department ang desisyon hinggil sa pagtanggal ng pondo para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ayon kay Marikina City Rep. Stella Quimbo.

Sinabi ito ng ekonomistang kongresista matapos matanong sa isang panayam kung pabor ba siya sa pag-realign ng P19 billion budget ng NTF-ELCAC patungo sa mga programa ng pamahalaan na naglalayong magbigay ng tulong sa mga apektado ng COVID-19 pandemic.

Isa si Quimbo sa mga kongresistang nagsusulong ng ikatlong Bayanihan Law, na naglalaman ng P405.6-billion halaga ng lifeline measures.

Ayon kay Quimbo, nakasaad sa Bayanihan 3 ang probisyon na nagpapahintulot sa pamahalaan na kunin ang extrang pondo mula sa ibang ahensya o kagawaran ng pamahalaan para gamitin sa ayuda.

Magugunita na kamakailan lang ay naging maugong ang mga apela ng ilang mga mambabatas hinggil sa pagtanggal nang pondo sa NTF-ELCAC.

Ito ay matapos na masangkot ulit sa issue ng red-tagging ang NTF-ELCAC sa mga organizers ng community pantries sa bansa.