Pormal nang inilipat ng Department of Justice (DOJ) sa Office of the Ombudsman ang buong kapangyarihan upang desisyunan ang tatlong reklamong malversation na kinakaharap ni Senador Joel Villanueva.
Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, ang Ombudsman na ang may pinal na pasya kung may sapat na batayan upang iakyat sa korte ang mga naturang kaso.
Nilinaw ng opisyal na ang naging papel lamang ng DOJ sa isyu ay ang pagsasagawa ng paunang imbestigasyon matapos silang i-deputize o pormal na atasan ng Ombudsman na hawakan ang nasabing mga reklamo.
Paliwanag ni Martinez, batay sa batas, awtomatikong pasok sa eksklusibong hurisdiksyon ng Office of the Ombudsman ang mga matataas na opisyal ng gobyerno na nabibilang sa Salary Grade 27 pataas, kabilang na rito ang posisyon ni Senador Villanueva.
Dahil dito, tinatapos na ng DOJ ang kanilang bahagi sa proseso upang bigyang-daan ang tuluyang pagkilatis at pagdedesisyon ng tanggapan ng Ombudsman.
















