-- Advertisements --

Maaari pang magbigay ng violation tickets ang sariling traffic enforcer ng mga local government units sa Metro Manila dahil hindi pa umano ‘final and executory’ ang desisyon ng Korte Suprema ayon kay Metro Manila Development Authority Acting Chair Don Artes. 

Base kasi sa naging desisyon na inilabas ng kataas-taasang hukuman, sinabi nito na ang MMDA lamang ang may eksklusibong kapangyarihan para gumawa ng polisiya sa trapiko sa National Capital Region. 

Nangangahulugan ito na ang mga traffic enforcer ng mga LGU sa Metro Manila ay hindi na awtorisado na magbigay ng traffic violation tickets at kumpiskahin ang mga lisensiya ng mga driver. 

Ayon kay Artes, may 15 na araw ang mga lokal na opisyal para mag-file ng motion for reconsideration sa Korte Suprema para isumite ang kanilang panig kung bakit kailangan ng kanilang siyudad ng sariling traffic regulations. 

Bilang tugon, magkakaroon ng pagpupulong ang MMDA at lahat ng mayors ng Metro Manila para pag-usapan ang naging desisyon ng Korte Suprema at gumawa ng plano sakaling maging final at executory na ang naturang desisyon. 

Samantala, inamin naman ni Artes na kulang sila sa manpower para maging traffic enforcers sa lahat ng siyudad sa Metro Manila. 

Sa kasalukuyan ay nasa 2,500 lamang daw ang kanilang enforcers. Lubhang mababa sa kinakailangang 8,000 na enforcers para mapunan ang lahat ng siyudad at nag-iisang munisipalidad sa National Capital Region. 

Dahil dito, pinag-aaralan na ng MMDA at ng mga LGU ang posibilidad na pag-deputize sa mga traffic enforcers ng LGU para mapunan ang kakulangan ng MMDA. 

Pero sisiguraduhin umano nila na kwalipikado at may sapat na training ang mga kukuning enforcers sa LGU.