Posibleng ilabas na ng Commission on Elections (COmelec) ang kanilang desisyon hinggil sa mga inihaing disqualification case laban kay presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ang naturang mga kasong inihain laban kay Marcos ay hinggil pa rin sa hindi niya umano paghahain ng kanyang income tax returns.
Ayon kay Comelec chairperson Saidamen Pangarungan, sa ngayon ay nasa limang commissioners na ang lumagda sa kanilang resolusyon ukol dito na nakatakda namang ilabas ng komisyon sa lalong madaling panahon.
Samantala, tiniyak naman ni Pangarungan na matatapos resolbahin ng Comelec ang mga disqualification cases na ito laban kay Marcos bago sumapit ang mismong araw ng eleksyon sa Mayo 9.
Magugunita na una nang binasura ng komisyon ang mga naunang disqualification case laban sa presidential candidate hinggil parin sa nasabing isyu sa kadahilanang ang paghahain daw ng income tax return ay isang obligasyon lamang na nilika ng batas dahilan kung bakit maituturing lamang na mali dahil pinaparusahan lang ng batas ang sinumang mapapatunayan na mayroong pagkukulang na gawin ito.