Ipagpapatuloy muli ng gobyerno ng Pilipinas ang deployment ng mga newly hired na manggagawang Pilipino sa Saudi Arabia simula sa Nobyembre 7, 2022.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), naganap ang kasunduan matapos magpulong ang mga opisyal ng gobyerno mula sa Pilipinas at Saudi Arabia para sa bilateral discussions.
Nagpasalamat naman si Migrant Workers chief Susan Ople kay Minister Al-Rajhi at sa Saudi Arabia government at nangako ng pakikipagtulungan sa pagpapatupad ng mga mekanismo para matiyak ang proteksyon sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawang Pilipino.
Sinabi ni Ople na napili ang naturang petsa para magkaroon ng panahon ang DMW na maghanda para sa mga pagpupulong nito sa Philippine recruitment agencies, palakasin ang koordinasyon nito sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pagtiyak ng deployment ng mga trained domestic worker, at kumpletuhin ang kanilang automation process.
Sinabi pa ni Ople na nagkasundo ang dalawang bansa na maglunsad ng mga hakbang laban sa trafficking ng mga migranteng manggagawa at upang mapadali ang disente at produktibong trabaho ng mga OFW at tiyakin ang proteksyon ng kanilang mga karapatan.
Labis silang nagpapasalamat kay Minister Al-Rajhi dahil titiyakin ang kaligtasan ng mga Filipino workers.
Nagkasundo rin ang dalawang panig na labanan ang trafficking ng mga migrant workers.
Ilan sa mga napagkasunduan ay ang pagbuo ng Technical Working Group na binubuo ng mga representative ng bawat panig para i-monitor ang implementasyon ng labor reforms at resolbahin ang concern ng workers.
Pag-implement ng Blacklist at Whitelist ng Saudi Recruitment Agencies at employers.
Pagbabago ng Standard Employment Contract ng OFW gaya ng agarang pagbigay ng sahod sa pamamagitan ng electronic payments, pre-termination clause at ang insurance para sa mga hindi nabayarang sahod.
Pag-convene ng regular Joint Committee Meeting para matiyak ang full compliance at ang pagpirma ng memorandum of understanding para labanan ang trafficking in person, pag-imbestiga at pag-prosecute sa mga offender ganon din ang pagbibigay suporta sa OFW na biktima ng trafficking.