
Inaasahan ng Department of Education (DepEd) ang Agosto 29 bilang petsa ng pagbubukas ng paaralan para sa mga pampublikong paaralan ngayong darating na School Year (SY) 2023-2024.
Ayon kay DepEd Undersecretary and Spokesperson Michael Poa kanila na itong pinag-aaralan ngunit lahat ay pansamantala hanggang sa mapirmahan ang Department Order.
Aniya, mula sa orihinal na petsa, ikinokonsidera ng DepEd ang Agosto 28 bilang simula ng klase ngunit ang petsa ay holiday bilang paggunita sa National Heroes’ Day.
Sinabi ni Poa na ang set ng guidelines na kasalukuyang ginagawa ng DepEd ay magiging “omnibus” na kinabibilangan ng “Brigada Eskwela” at ang school calendar para sa bagong school year.
Dagdag niya, may mga ginawang adjustments partikular sa partisipasyon ng mga guro sa mga aktibidad tulad ng end-of-school-year rites.
Kung matatandaan, nagbukas ang mga klase para sa SY 2022-2023 noong Agosto 22, 2022.
Ipinakita ng datos ng DepEd na mahigit 28 milyong bata ang bumalik sa paaralan dalawang taon pagkatapos ng pagsisimula ng pandemya ng Covid-19.









