Pinag-aaralan ng Department of Education (DepEd) ang posibilidad na isantabi muna ang documentary requirements sa enrollment kasabay ng paghahanda ng mga paaralan sa paparating na school year sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, ikokonsidera ng kagawaran ang hinaing ng mga mag-aaral at mga magulang kaugnay sa kinakailangang dokumento para sa enrollment.
“There is a precedence regarding this because this has been done before,” wika ni Briones.
Sa nakalipas na mga krisis, inihayag ni Briones na pinayagan ng mga paaralan ang mga estudyante na mag-enroll kahit walang dokumentasyon.
“Schools allowed the kids to enroll without documentation but we are not sure how long this pandemic will last so that is the consideration,” anang kalihim. “We have yet to decide what to do with children who will enroll with incomplete documents but definitely, there’s a precedence,” dagdag nito.
Itinakda ng DepEd ang enrollment period sa susunod na buwan, kahit na sa Agosto pa magsisimula ang mga klase.
“Schools shall conduct enrollment from June 1–30, 2020 for all learners intending to attend SY 2020-2021, including those who enrolled during the early registration period in February 2020, given that circumstances have changed substantially,” ani Briones.
Samantala, inihayag naman ni DepEd Usec. Nepomuceno Malaluan na masyado pa raw maaga sa ngayon para pagpasyahan ang isyu.
“I think, it’s premature to talk about the presence or absence of credentials and waiving that,” he said. “But, DepEd has done that in many instances already based on the situation,” paliwanag ng opisyal.
Batay sa DepEd Order No. 3 s. of 2018 o ang “Basic Education Enrollment Policy,” ikokonsidera ang mag-aaral bilang “officially enrolled” sa oras na magpresinta ito ng minimum documentary requirements gaya ng birth certificate na inisyu ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Para naman sa mga transferees, kinakailangan nilang magsumite ng mga dokumento tulad ng birth certificate, latest report card o permanent transfer of records mula sa pinanggalingang paaralan.