-- Advertisements --

Nilinaw ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Diosdado San Antonio na hindi pa pinal ang napili nilang petsa para sa pagbubukas ng School Year 2021-2022.

Pahayag ito ni San Antonio matapos sabihin sa isang panayam kahapon na posibleng sa darating na Agosto 23 magbubukas ang pasukan, bagay na pinalagan ng ilang stakeholders.

Ayon kay San Antonio, wala pang dokumento na inilalabas ang kagawaran na nagsasabing ang naturang petsa na ang pinal na schedule ng susunod na academic year.

Ikinukonsidera pa lamang aniya nila ang petsa na ito dahil pa rin sa coronavirus pandemic.

Kahapon, ilang mga estudyante at grupo ang nananawagan sa DepEd na irekonsidera ang plano nilang bawasan ang dalawang buwan na summer break ng mga mag-aaral at guro.

Nabatid na ang kasalukuyang school year na nagsimula noong Oktubre 5 noong nakaraang taon ay matatapos sa Hulyo 10.

Naunang nakatakda sana itong matapos sa Hunyo pero pinalawig para magkaroon ng academic “ease” at mabigyan ng sapat na panahon ang mga mag-aaral na matapos o makompleto ang kanilang mga requirement.

Sa kabilang banda, aabot na sa mahigit 3.5 million estudyante ang nagparehistro para sa pasukan ngayong taon base sa latest data na inilabas ng DepEd.

Nakasaad sa Early Registration Monitoring Report ng DepEd na hanggang nitong Abril 27, mayroon nang 3,514,550 estudyante sa buong bansa sa Kindergarten, Grade 1, Grade 7, at Grade 11, ang nakapagparehistro ng maaga para sa School Year 2021-2022.

Pinakamaraming nagparehistro ng maaga ay naitala sa Region VII na mayroong 353,399 estudyante; Calabarzon na mayroong 351,882 mag-aaral, at Region VI na mayroon namang 268,422 estudyante.