Inayos ng House of Representatives ang iskedyul ng pagdinig sa panukalang 2027 national budget dahil sa mga aberyang dulot ng masamang panahon, ngunit target pa ring matapos ang budget deliberations sa orihinal na timetable.
Ayon kay House Appropriations Committee Chair Rep. Mika Suansing, muling magsisimula ang budget hearings sa Agosto 24, kung saan haharap sa komite ang ilang ahensya kabilang ang Philippine Amusement and Gaming Corporation, Department of Trade and Industry, Department of Justice, Philippine Charity Sweepstakes Office at Department of Science and Technology.
Sinabi ni Suansing na paiikliin at pagsasabay-sabayin ang ilang hearing kung kinakailangan upang mabawi ang mga naantalang pagdinig.
Magpapatuloy ang committee-level budget hearings hanggang Setyembre 8.
Tiniyak ni Suansing na hindi isasakripisyo ang masusing pagsusuri sa panukalang budget para lamang makahabol sa iskedyul.
Aniya, gagawa rin ang komite ng sapat na allowance sa schedule upang makayanan ang posibleng panibagong pagkaantala habang tinitiyak na matatapos sa oras ang proseso ng budget.
Layunin ng Kamara na maisagawa ang masusing pagsusuri sa bawat panukalang gastusin at maipasa ang 2027 national budget sa takdang panahon.










