Nananawagan ang Department of Education sa mga pampublikong paaralan na gawin ang kanilang End-of-School-Year (EOSY) activities, sa katapusan ng buwan ng Mayo, sa loob ng isang covered court.
Ito ay sa kadahilanan na nahaharap pa rin ang bansa sa mapanganib na heat index dulot ng El Niño.
Batay sa Memorandum 23-2024 na inilabas ng DepEd noong May 2, ang EOSY rites ay nakatakdang gawin mula May 29 hanggang May 31, 2024 at ipiniprisenta na gawin sa indoor venues o di kaya ay well-ventilated na lugar para masiguro ang kaligtasan at proteksyon ng mga mag-aaral, guro at attendees.
Dagdag pa rito, iwasan umano ng mga paaralan na e-iskedyul ang kanilang mga EOSY sa panahon na matindi ang sikat ng araw.
Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng DepEd, ang memorandum ay sadyang hindi nagtakda ng oras para sa mga seremonya dahil bibigyan ng pagkakataon ang mga paaralan na magplano ng mga aktibidad sa mga oras na may mababang temperatura.
Sakaling wala naman umano ng mga espasyo sa loob na magagamit o mga covered courts, gawin na lang sa mga oras na hindi mainit ang sikat ng araw.
Sinabi rin sa memorandum na ang mga gastos kaugnay ng End of School Year (EOSY) rites ay dapat kunin sa maintenance and other operating expenses (MOOE) ng mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Poa, tiyakin umano na walang mga guro, kawani, school personnel, o sinuman ang magkakaroon ng koleksyon.