Nag-isyu ang Department of Education (DepEd) ng isang internal memorandum na nag-aatas sa lahat ng regional at division offices na pangalanan ang lahat ng mga guro na kasapi ng Alliance of Corcerned Teachers (ACT).
Ito kasi ang grupo na naghain ng reklamo sa isang international body kaugnay pagred-tag umano ni Education Secretary Sara Duterte sa kanila.
Ayon sa naturang memorandum na inisyu ni Undersecretary for Operation Revsee Escobedo noong Hunyo 14 na minamandato ang lahat ng regional directors at school division superintendents na magsumite ng listahan ng mga gurong affiliated sa grupo na parte ng Automatic Payroll Deduction System ng ahensiya.
Itinakda ng DepEd ang deadline para sa pagsusumite ng pangalan ng mga kasapi sa grupo noong Hunyo 21.
Ang naging hakbang ng Alliance of Concerned Teachers ay nag-ugat sa pag-akusa ni Education Secretary Duterte sa naturang grupo ng mga guro sa pagsuporta umano ng mga ito sa Communist Party of the Philippines nang ihayag ng grupo ang kanilang suporta para sa isang linggong transport strike noong nakalipas na buwan ng Marso ng kasalukuyang taon.
Ito at ang iba pang mga statement ni Duterte na nagri-red tag sa grupo ang nagbunsod sa kanila para idulog ito sa International Labor Organization noong Abril na naghihikayat sa United Nations body na pumagitna dahil sa posibleng banta ng mga binitiwang salita ng kalihim.