NAGA CITY – Nakatakdang gawing quarantine areas para sa mga Persons Under Monitoring (PUMs) ang mga paaralan sa Bicol Region.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Gilbert Sadsad, regional director ng Department of Education (DepEd)- Bicol, sinabi nito na ang nasabing hakbang ang bahagi ng request mula sa mga local chief executives.
Ayon kay Sadsad, agad namang naaprubahan ang nasabing hakbang dahil mas kailangan sa ngayon ang pagkalinga at pagmamahal sa mga Bicolanong apektado ng enhanced community quarantine.
Nilinaw din ni Sadsad na may mga requirements na kinakailangang maipasa ang nagrerequest na lugar para maging quarantine area ang isang paaralan.
Sa ngayon, nasa 42 na mga paaralan na sa Bicol ang may request na maging pasilidad para sa mga PUMs mula sa iba’t ibang lalawigan.