Tuloy-tuloy na umano ang isasagawa ng Department of Education (DepEd) na pag-review at pag-update sa curriculum para sa mga estudyanteng mula Kindergarten hanggang Grade 10.

Sa isang statement, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na ang naturang hakbang ay bahagi ng nagpapatuloy na review ng curriculum na nagsimula na bago pa ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ayon kay Briones, layon ng kanilang hakbang na matugunan ang problema sa overlapping sa learning competencies.

Malaking hamon naman daw ang kanilang kinahaharap sa ngayon lalo na’t aasa ang mga ito sa teknolohiya at ang pressure din sa pagtugon sa tinatawag na new normal dahil na rin sa covid pandemic.

Ang kasalukuyang school year, ipinatupad ang revised basic education curriculum matapos binawasan ng DepEd ang bilang ng mga learning competencies mula 14,171 sa tinatawag na “most essential” na 5,689.

Sinabi naman ni DepEd Usec. Diosdado San Antonio na para naman sa curriculum at instruction, plano raw ng ahensiya na magkaroon ng roll out ng updated na K to 10 curriculum sa taong 2022.

Target ng DepEd na maisapinal ang curriculum review ngayong taon at isasagawa na ang consultation session sa susunod na taon.

Dagdag ng DepEd, kailangan din nilang ma-assess ang “Most Essential Learning Competencies” o ang basic education curriculum ngayong taon para tignan kung sapat ba ang mga ito sa mga mag-aaral para sa kanilang knowledge at skills.

Noong 2019, inilunsad ng DepEd ang “Sulong Edukalidad: campaign na nakatutok sa pagapaganda sa kalidad ng edukasyon sa pamamagitan ng pagpapataas sa enrollment figures.