
BigongBigong makamit ng Department of Education ang target enrollment data nito na 28.8 million enrollees para sa School Year 2023-2024.
Ito ang inihayag ni DepEd deputy spokesperson Assistant Secretary Francis Bringas kasabay ng pagtatapos ng quick count ng reporting nito.
Ayon sa opisyal, batay sa kanilang pinakahuling quick count nitong Setyembre 15 ay nasa kabuuang 26,912,559 na mga mag-aaral mula sa public schools, private schools, State Universities and Colleges, at Local Universities and Colleges ang nag-enroll ngayong School Year 2023-2024.
Ang naturang bilang ay may halos dalawang milyong mas mababa kumpara sa 28.8 million enrollment target ngayong taon.
Ngunit sa kabila nito ay nagpahayag pa ri ng kumpyansa si Bringas na madaragdagan pa ito sa kasagsagan ng pagpapatuloy ng encoding ng DepEd para sa lahat ng mga paaralan sa buong bansa.
Samantala, sa ngayon ay sinimulan na ng DepEd ang kanilang reporting ng Beginning of School Year data kung saan inaasahang malalaman ang opisyal na bilang ng mga mag-aaral na nag-enroll para sa school year 2023-2024.
Matatandaang una nang sinabi ng DepEd na maiaanunsyo nito ang kabuuang bilang ng mga enrollees ngayong school year sa pagtatapos ng encoding period nito sa darating na Oktubre 30.










