LEGAZPI CITY – Pinag-iingat ng Department of Education (DepEd) Regional Office 5 ang mga public school teachers at non-teaching personnel sa kumakalat na mga hindi otorisadong investment programs.
Sa inilabas na abiso ng ahensya, nabatid na mismong ang Securities and Exchange Commission (SEC) ang nagbabala sa mga natanggap na ulat na humihikayat sa publiko na mag-invest sa mga naturang programa.
Sa naturang scheme, mag-iinvest umano ng P115, 000 o tutulungan na makautang sa bangko ang mga ito, kapalit ng P11, 000 na halaga ng beauty products at food supplements at tseke na nagkakahalaga ng P10, 500 o kabuuang P21, 500 lamang.
Nakasaad rin dito na kailangan na magrecruit ng panibagong members ng investor kapalit ng P11, 000 sa bawat bagong kasapi.
Sa pangako ng kawalan ng utang, dobleng kita, bagong sasakyan, family travel at savings na iniaaalok sa mga seminar, may iilan umanong nasisilaw ng mga investment scams.
Nilinaw ng SEC na hindi rehistrado ang mga investment programs kagaya ng Teachers Financial Coaching Program, Teachers Financial Freedom Program, Elite Teachers Financial Program at Teachers Financial Program, habang hindi rin pinahihintulutan na magsolicit ng investments ang mga ito.
Sakaling may mag-alok ng mga ganitong uri ng schemes, payo ng DepEd Bicol na agad na ipagbigay-alam sa mga otoridad upang mapatawan ng karampatang aksyon.










