Walang balak ang Department of Education (DepEd) na umatras sa plano nilang pagpapalawig ng limited face-to-face classes.
Ito ay kahit na mayroong banta ng Omicron variant ng COVID-19.
Sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na kanilang ipagpapatuloy ang nasabing pagbabalik ng face-to-face basta hindi pa nakakarating sa bansa ang Omicron variant.
Kasalukuyan kasing nagsasagawa na ng face-to-face classes sa kabuuang 177 na public at private schools.
Nakatakda na magtapos ito ngayong buwan pero pinag-iisipan pa ng DepEd na ituloy ito hanggang Enero.
Sa kaniyang inilabas na memorandum sa mga inaatasan lahat ng mga public at private schools na maghanda sa pinalawig na face-to-face classes na ang target ay sa Enero 2022.
Magsisimula na rin ito mula Kinder hanggang Grade 12.
Tiniyak ng kalihim na nakikipag-ugnayan sila sa Department of Health (DOH) para matiyak ang kalusugan ng mga lalahok.