Nangangalap na ng report ang Department of Education (DepEd) para makabuo ng balangkas sa posibleng pilot operation ng face-to-face learning, pagsapit na ng taong 2021.
Ayon kay Education Sec. Leonor Briones, pinagsusumite na nila ng report at rekomendasyon ang regional directors, para ma-assess ang sitwasyon kung pwede nang maibalik ang personal na pagdalo sa klase ng mga estudyante.
Pero tanging sa low risk areas lang umano ito maidaraos.
Gayunman, kailangan pa rin aniya ng pahintulot mula sa local government units (LGUs), magulang ng mga bata at kailangan din ng maayos na transportasyon.
Una rito, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagpalutang ng posible ang face-to-face classes sa susunod na taon, kung maigagarantiya na ligtas sa banta ng COVID-19 ang mga mag-aaral.