Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na hindi lamang ngayong mayroong Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic nakadisenyo ang kasunduan nila sa Department of Information and Communications Technology (DICT) kaugnay ng paghahatid ng edukasyon.
Ayon kay Education Sec. Leonor Briones, ang pinirmahan nilang partnership sa DICT ay magagamit din sa hinaharap kahit matapos na ang pandemic na hatid ng nakamamatay na virus.
Una rito, pumirma ang DepEd at DICT ng agreement para mapalakas pa ang paghahatid ng edukasyon sa bansa sa pamamagitan ng digital connectivity sa lahat ng public schools at mas malawak na access sa learning flatforms.
Pangunahing layon ng naturang kasunduan na maka-establish ng Public Education Network (PEN).
Ang partnership ay maghahatid ng framework of cooperation sa pagitan ng DepEd at DICT.
Kabilang na rito ang pagkakaroon ng ICT service providers sa bakuran ng public schools, provision ng online resources, materials at ang sistemang gagamitin sa paghahatid ng edukasyon sa pakikipag-ugnayan ng mga ito sa National Telecommunications Commission (NTC).
Aalalay din ng DICT ang pagdadagdag ng mga satellite ng tinatawag na DepEd for Last Mile Schools at ang pagbibigay ng data transport service gamit ang fiber-optic network sa ilalim ng GovNet at Microwave towers.
Maghahanap din ang dalawang departamento ng mga real estate properties na pagtatayuan ng mga Shared Passive Telecommunications Tower Infrastructure (SPTTI) at magagamit ng mga government agencies para ibahagi ang kanilang mga resources at technologies para sa mga Pinoy.
Sa pamamagitan din ng Public Education Network (PEN) ay makaka-connect na ang DepEd offices sa mga governance platforms gaya ng DepEd Enterprise Resource Planning System (DERPS), Learner Information System (LIS), DepEd Mobile App at iba pang partner platforms.
Kung maalala, dahil sa pandemic ay napilitan ang bansa na magpatupad ng distance learning ngayong academic year gamit ang modules, broadcast at online classes.