Hihingi ng tulong ang Department of Transportation (DOTr) sa gobyerno ng Japan para mapigilan ang oil spill sa Oriental Mindoro, sinabi ni Secretary Jaime Bautista nitong Sabado.
Ayon kay Department of Transportation Secretary Jaime Bautista, magsisimula silang makipag-ugnayan sa darating na Lunes, March 6 sa pamamagitan ng Japanese embassy at Japan International Cooperation Agency (JICA).
Aniya, malaki umano ang kakayahan ng Japanese government na matulungan tayo para hindi masyadong kumalat ang oil spill sa mga isla sa Mindoro.
Umaasa rin si Bautista na hindi na aabot sa Verde Island sa Batangas ang oil spill dahil isa itong protected area.
Kung matatandaan, inihayag ng Philippine Coast Guard na nakarating na sa Caluya sa Antique ang naturang oil spill.
Ang MT Princess Empress ay lumubog kasama ang karga nitong 800,000 litro ng industrial fuel oil habang ito ay naglayag sa maalon na karagatan sa Naujan, Oriental Mindoro noong Martes.
Una ng sinabi ng mga marine experts na mahigit 24,000 ektarya ng coral reef area ang maaaring maapektuhan ng oil spill sa karagatan ng Oriental Mindoro.