-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Tourism (DOT) na mahigit 1.6 milyong international traveller ang dumating sa Pilipinas mula noong muling buksan ang leisure travel noong Pebrero ngayong taon.

Sa pagdinig ng komite ng Senado, iniulat ni DOT Secretary Christina Frasco na kabuuang 1,664,550 international arrivals ang naitala nang bansa as of October 5.

Tumaas ang nasabing bilang mula sa 163,879 international tourist arrivals noong pandemic-hit 2021.

Sinabi ni Frasco na kabilang sa mga nangungunang source market sa taong ito ay ang Estados Unidos na may 315,279 tourist arrivals; sinundan ng Korea na may 220,402; Australia na may 77,249; Canada na may 70,159; at United Kingdom na may 63,533.

Gayundin, sinabi ni Frasco na ang kalakaran ay humantong sa pagtaas ng trabaho sa mga industriyang may kinalaman sa turismo na may 4.9 milyon na nagtatrabaho, na 4.6% na mas mataas kaysa sa 4.68 milyon noong nakaraang taon.

Sinabi niya na hindi bababa sa 8,310 na bakanteng trabaho ang inaalok sa 157 establisyimento sa buong Maynila, Cebu, at Davao sa isang “Trabaho Truism Asenso,” isang job fair na inorganisa ng departamento ng Turismo sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Setyembre.

Bukod dito, mayroong 8,305 na aplikante ang napag-alamang qualified at nangangailangan ng karagdagang assessment, habang 530 na aplikante ang isinangguni sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa karagdagang pagsasanay.