Nagluluksa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagkamatay ng limang rescuer mula sa Bulacan na tumugon sa mga “distress calls” sa pananalasa ng Super Typhoon Karding.
Umaasa ang kagawaran na magbibigay ng inspirasyon sa mga tao ang kanilang mga aksyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. na nakikiisa ang DILG sa pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa pagdadalamhati para sa limang rescuer na tila mula sa Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (BPDRRMO).
Nauna nang sinabi sa mga ulat na ang limang rescuer ay idineploy bandang 4:00 ng umaga upang iligtas ang mga residente sa Barangay Tigpalas at Samias ng San Miguel matapos ang matinding pag-ulan ni Karding na nagdulot ng pagbaha sa lugar.
Ang San Miguel ay isa sa mga lugar na tinamaan sa Bulacan.
Natagpuan ang mga labi ng mga rescuer sa Sitio Banga-Banga, Barangay Camias, San Miguel, Bulacan.