-- Advertisements --
dilg secretary benhur abalos

Malugod din na tinanggap ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang paglagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Republic Act 11934 o ang Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Interior Secretary Abalos na isang “welcome development” ang pagsasabatas nito dahil makakatulong na aniya ito na makabawas sa mga krimeng isinasagawa ng mga mapagsamantalang indibidwal ngayon gamit ang makabagong komunikasyon.

Dagdag pa ng kalihim, ang bagong batas na ito ay magbibigay-daan din sa Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies upang agad na maaksyunan ang mga reklamo at kasong kinasasangkutan ng mga mobile scam.

Ito ay dahil sa mapapadali na ang kanilang pagtunton sa mga salarin na gumagawa ng nasabing krimen.

Samantala, bukod dito ay sinabi rin ng ahensya at iba pang mga ahensya at local government units (LGUs) na sa tulong ng bagong batas na ito ay mas maipapatupad din nila ng naaangkop ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng taumbayan kontra sa kriminalidad na lumalabag sa umiiral na data privacy laws and regulations.

Nagpahayag din ng suporta ang buong kagawaran kasama ang iba pang attached agencies, at regional offices nito sa pagpapatupad ng SIM Card Registration Act sa bansa.