-- Advertisements --
DOJ

Hiiling ngayon ng Department of Justice (DoJ) sa publiko lalo na ang mga may alam sa insidente ng pagkawala ng mga sabungero na makipagtulungan sa mga otoridad para madaling maresolba ang kaso.

Kasunod na rin ito ng pagsasampa ng Department of Justice ng kidnapping at serious illegal detention charges laban sa anim na indibidwal na sangkot sa pagkawala ng anim na sabungero noong Enero 2022.

Sinabi ni Justice spokesperson Mico Clavano, ang mga kaso ay inihain sa Manila Regional Trial Court (RTC) laban sa farm manager na si Julie Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnry Consolacion at Roberto Matillano Jr.

Ayon kay Clavano, inirekomenda rin ng mga prosecutors na walang pinyansa para sa mga suspek para sa pansamantala nilang kalayaan.

Ang lahat naman ng mga suspek ay nananatiling at large.

Kaya naman, hinimok ng mga law enforcement agencies na maging mapagmatyag para mahuli ang mga ito.

Sa mga nakakaalam naman ng kinaroroonan ng mga suspek ay makipagtulungan lamang daw sa mga otoridad para sa kanilang ikadarakip.

Noong buwan ng Disyembre noong nakaraang taon, lumabas sa imbestigasyon ng Justice department na nakipagsabwatan ang anim para dukutin si John Claude Inonog, James Baccay, Marlon Baccay, Rondel Cristorum, Mark Joseph Velasco at Rowel Gomez.

Lumuwas ang mga sabungero sa Tanay, Rizal dakong ala-1:00 ng hapon noong Enero 13, 2022 para pumunta sa Manila Arena pero sapilitan silang isinakay sa gray van dakong alas-7:30 ng gabi.