Dismayado si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa gitna ng mga lumalabas na isyu ng korapsyon sa mga flood control projects sa bansa.
Sa isang pahayag, iginiit ni Teodoro na ang mga ganitong iregularidad ay hindi simpleng pagkukulang kundi isang malinaw na kasalanan sa bayan.
Dapat managot ang mga sangkot sa nasabing anomalya dahil buhay ng mga Pilipino ang nakataya.
Ayon kay Teodoro, ang flood control ay isang pambansang programa na nangangailangan ng malalim na engineering, disenyo, at malakihang konstruksyon, kaya’t hindi ito dapat iwan sa kamay lamang ng mga lokal na pamahalaan.
“Ang mga ilog at river systems ay hindi nasasakop lang ng isang munisipyo o probinsya. Buong sistema ang kailangang tugunan,” paliwanag ng kalihim.
Ibinunyag din ni Teodoro na mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nagalit dahil hindi nasunod ang mga direktiba kaugnay ng President’s Infrastructure Plan — partikular na sa mga flood control initiatives.
Dagdag niya, leksyon ito sa gobyerno upang tiyakin na tuloy-tuloy at sistematikong maipatupad ang mga master plan para sa mga ilog at kalsada, upang maiwasan ang mga pagkaantala at masamang epekto ng pagbabago sa daloy ng tubig.
Binigyang-diin din niya na ang ganitong pondo ay mas makabubuting gamitin sa mga makabuluhang bagay tulad ng national defense o resilience programs para sa mga komunidad.










